-- Advertisements --
image 9

Naghain ng protesta ang Pilipinas laban sa pagpapalabas ng China ng 2023 version ng standard map nito na nagpapakita ng pinalawig na pag-angkin nito sa West Philippine Sea.

Kinumpirma ni Department of Foreign Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu na naghain ng diplomatic protest ang Maynila hinggil sa isyu.

Matatandaan na inilabas ng Beijing nitong linggo ang na-update nitong standard map na nagpapakita ng 10 dashes na bumubuo ng hugis U, at inaangkin ang halos buong West Philippine Sea bilang bahagi ng teritoryo nito. Ang naturang lugar ay nagsasapawan sa mga exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas gayundin sa Malaysia, Brunei, Vietnam, at Indonesia.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ng Department of Foreign Affairs na ang pinakabagong pagtatangka na gawing lehitimo ang sinasabing soberanya at hurisdiksyon ng China sa Philippine features at maritime zones ay walang batayan sa ilalim ng international law, partikular ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Binigyang-diin nito na pinawalang-bisa na ng 2016 Arbitral Award ang mga claim ng Beijing sa pinagtatalunang tubig na sakop ng nakaraang nine-dash line.

Nananawagan ang naturang ahensya sa China na kumilos nang responsable at sumunod sa mga obligasyon nito sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea at 2016 arbitral ruling.