Opisyal nang kinilala ng World Bank (WB) ang Pilipinas bilang isang upper-middle-income country (UMIC) matapos nitong malampasan ang itinakdang gross national income (GNI) per capita para sa nasabing kategorya.
Batay sa pinakahuling pagsusuri ng World Bank ngayong Hulyo, umabot sa $4,850 ang GNI per capita ng Pilipinas, mas mataas sa $4,636 na itinakdang threshold para sa mga bansang kabilang sa upper-middle-income category.
Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), ang pag-angat ng bansa ay bunga ng tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya, maayos na pamamahala sa macroeconomy, at pagpapatupad ng mga pangmatagalang reporma.
Iniulat din ng kagawaran na lumago ang gross domestic product (GDP) ng bansa ng average na 5.8 percent mula 2021 hanggang 2025. Dahil dito, tumaas ng 8.5 percent ang GNI per capita noong 2025 na naging daan upang makabilang ang Pilipinas sa upper-middle-income category.
Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, ipinapakita ng bagong katayuan ang katatagan ng ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga kinahaharap na problema ng Pilipinas.
Umaasa ang ahensya na dahil dito papalakasin nito ang credit profile ng Pilipinas, magpapataas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan, at maghihikayat ng mas maraming de-kalidad na pamumuhunan na lilikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Bagama’t maaaring mabawasan ang ilang concessional o mababang interes na development loans dahil sa pag-angat ng antas ng kita ng bansa, iginiit ni Balisacan na mas malaki ang magiging benepisyo nito sa ekonomiya at mas malawak na oportunidad sa pandaigdigang pamilihan.
Kinilala rin ng kalihim ang malaking ambag ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pag-abot ng naturang milestone. Gayunpaman, sinabi niyang layunin pa rin ng pamahalaan na makalikha ng mas maraming de-kalidad na trabaho sa loob ng bansa upang maging opsyon na lamang, at hindi pangangailangan, ang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa kabila nito, pangunahing layunin parin daw ng pamahalaan na matiyak na mararamdaman ng lahat ng Pilipino ang pakinabang ng patuloy na paglago ng ekonomiya.
















