-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev-7) ang kahalagahan ng pagpapalakas ng lokal na produksyon ng pagkain sa gitna ng krisis, bilang bahagi ng pagpapatibay ng food security sa rehiyon.

Sa pagtatanong ng Star FM Cebu kay Senior Economic Development Specialist Mylene Calderon, sinabi nito na patuloy nilang sinusuri ang kalagayan ng sektor ng agrikultura upang matukoy ang mga kakulangan at makapagpatupad ng mas epektibong hakbang.

Sinabi ni Calderon na bagama’t maliit ang ambag ng agrikultura, pangingisda, at kagubatan sa gross regional domestic product, iginiit niyang hindi ito dapat mapabayaan.

Ipinaliwanag pa nito na ang pagtaas ng gastos sa transportasyon, lalo na sa fuel, ay naglilimita sa suplay ng produktong agrikultural at nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng pagkain.

Dahil dito, mahalaga ang pagpapalago ng sariling produksyon upang hindi umasa sa ibang lugar at maiwasan ang kakulangan sa suplay.

Hinikayat din niya ang kabataan na pumasok sa agrikultura, kasabay ng pagbibigay-suporta sa mga magsasaka.

Samantala, tiniyak naman ni Dr. Melquiades Ibarra, pinuno ng Administrative and Finance Division ng Department of Agriculture na ang mga programa ng pamahalaan ay may pangmatagalang layunin upang mapatatag ang sektor.