-- Advertisements --
image 86

Napauwi na ng gobyerno ng Pilipinas ang unang batch ng mga non-marital children mula sa Jordan pagkatapos ng halos isang dekada ng pakikipag-usap sa mga lokal na awtoridad.

Pinangunahan ng Philippine Embassy sa Jordan ang pagpapauwi ng hindi bababa sa 13 bata, ang unang batch ng 60 non-marital children na mauuwi sa bansa ngayong taon.

Nakuha ng embahada noong Agosto 10 ang isang exceptional exemption na nagpapahintulot sa kanilang pagpapauwi at pag-waive ng kanilang mga multa sa overstay.

Ang mga batang ito ay dati nang pinagbawalan na maiuwi sa Pilipinas sa kawalan ng birth certificate ng Jordan, isang kinakailangan para makabiyahe sila sa labas ng Jordan.

Ayon kay Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos, ang repatriation na ito ay isang testamento ng pagpayag ng dalawang bansa na lutasin ang mga bagay na makakaapekto sa interes ng mga Pilipino sa Jordan.

Pinasalamatan ni Santos ang gobyerno ng Jordan at binanggit ang maraming representasyon ng magkabilang panig upang gawing posible ang mga makataong gawain.

Sinagot ng Migrant Workers Office sa Jordan ang mga gastos sa flight ticket, bus transport, at pansamantalang tirahan sa shelter isang araw bago umalis ang nasabing mga bata.