Nangako ang Pilipinas na hindi aatras sa pagharap nito sa pagsisikap ng China na harangan ang mga mangingisda sa pinagtatalunang Scarborough shoal sa West PH Sea kasabay ng babala pa nito sa bansa na huwag mag-provoke at gumawa ng gulo.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng inilunsad na special operation ng pamahalaan kung saan nilansag ng PCG sa 300 metrong haba ng mga floating barriers na inilagay ng China sanaturang isla.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, posibleng ibalik ng Chinese Coast Guard ang floating barriers sa lugar at posibleng magsagawa pa rin ng shadowing at mapanganib na maniobra ang mga barko ng China.
Sa kabila nito, ayon sa PCG official, ipinakita aniya ng PH sa buong mundo na hindi aatras ang mamamayang Pilipino at patuloy na isasagawa ang anumang kinakailangan para mapanatili ang ating presensiya sa ating teritoryo.
Una ng inakusahan ng China ang PH ng panghihimasok umano sa inaangkin nitong karagatan at binalaan ang pH na huwag iwasan ang probokasyon sa disputed waters.
Samantala, ayon sa PCG, gumagawa na ng mga paraan ang pamahalaan upang makontrol ang naturang shoal.