PILIPINAS, KABILANG SA MAHIGIT 65 BANSA NA KINONDENA ANG PAG-ATAKE SA UN PEACEKEEPERS SA LEBANON
Nakipagkaisa ang Pilipinas sa mahigit 65 na iba pang bansa sa paggigiit ng mas mahigpit na seguridad at proteksyon para sa mga peacekeepers ng United Nations (UN) na nakadestino sa Lebanon, kasunod ng serye ng mga nakamamatay na pag-atake sa rehiyon.
Sa isang joint statement na inilabas sa isinagawang media stakeout sa UN Headquarters, nagpahayag ng matinding pagkabahala ang mga naturang bansa kaugnay sa kaligtasan ng mga tauhan ng UN Interim Force in Lebanon (UNIFIL).
Mariin din nilang tinuligsa ang pang-aabuso sa pwersa ng UN.
Bunsod nito, nanawagan ang mga lumagda ng mabilis at malinaw na imbestigasyon, sabay giit na ang pag-target sa mga peacekeepers ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng international law at maaaring ituring bilang isang war crime.
Bukod sa isyu ng seguridad, nagtaas din ng alarma ang Pilipinas at mga kaalyadong bansa hinggil sa lumalalang humanitarian situation sa Lebanon simula nang tumindi ang tensyon noong Marso 2.
Ayon sa grupo, nakababahala na ang bilang ng mga nasawing sibilyan, ang malawakang pagkasira ng mga imprastraktura, at ang sapilitang paglikas ng mahigit isang milyong indibidwal.
Bilang solusyon, hinimok ng mga bansa ang lahat ng panig na ibalik ang pormal na cessation of hostilities at buong-pusong igalang ang UN Security Council Resolution 1701.
Layon nitong mapanatili ang kapayapaan, soberanya, at seguridad sa katimugang bahagi ng Lebanon sa pamamagitan ng de-escalation at negosasyon.















