Inanunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) na maglulunsad ang Pilipinas ng national Halal strategy na naglalayong makabuo ng P230 bilyon na pamumuhunan para sa bansa.
Ito ay lilikha ng 120,000 trabaho sa loob ng limang taon, at suportahan ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa pagiging bahagi ng isang pandaigdigang halal ecosystem bago matapos ang taong kasalukuyan.
Ang Halal strategic planning ay kasunod ng mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga internasyonal na mamumuhunan sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland na nagpoposisyon sa Pilipinas bilang gateway sa Asia-Pacific region.
Tutugunan din ng nasabing plano ang lumalaking demand para sa mga produktong Halal at serbisyo mula sa parehong domestic market ng Pilipinas at mula sa 57 bansa na miyembro ng Organization of Islamic Cooperation (OIC) na sumasaklaw sa Asia, Middle East, Africa, Europe at America.
Ayon kay DTI sec. ALfredo Pascual, ang Halal bilang paraan ng pamumuhay ay hindi lamang para sa mga Muslim kundi ito ay lalong kinikilala ng maraming non-Muslim consumers sa buong mundo dahil sa ethical considerations, hygiene, fair trade, at financing.
Pangungunahan ng DTI ang nine-government inter-agency taskforce na gagawa ng roadmap na magpoposisyon sa Pilipinas bilang pinaka Halal-friendly na trade at investment hub sa Asia Pacific.