-- Advertisements --

Nagpaalala ang Philippine Embassy sa Paris sa mga Pilipino na mag-ingat dahil sa matinding heatwave na nararanasan sa bansa.

Ayon sa embahada, delikado ang matagal na pagkabilad sa matinding init, lalo na para sa mga nakatatanda, bata, buntis, mga may kapansanan, may malalang karamdaman, at mga umiinom ng ilang uri ng gamot.

Kabilang sa mga maaaring maranasan dahil sa matinding init ang pagkahilo, panghihina, pamumulikat, at dehydration.

Sa kaso ng heat stroke o iba pang emergency, pinapayuhan ang mga Pilipino na tumawag sa emergency hotlines na 15 o 112 para sa agarang tulong medikal.

Pinayuhan din ang mga Pilipino na manatili sa loob ng bahay kung maaari, uminom ng sapat na tubig, iwasan ang alak, kape, tsaa, matatamis na inumin, at matataong lugar na kulang sa bentilasyon.

Kung kinakailangang lumabas, magsuot ng magagaan na damit at magdala ng tubig at iba pang gamit na makatutulong laban sa matinding init.

Inisyu ng embahada ang abiso matapos umabot sa hanggang 40 degrees Celsius ang temperatura sa ilang bahagi ng France sa gitna ng heatwave ngayong taon na iniugnay sa mahigit 1,000 pagkamatay.

Ang pinakamataas na temperaturang naitala sa kasaysayan ng France ay 46 degrees Celsius noong Hunyo 28, 2019.