-- Advertisements --

Nagpaalala ang Philippine Embassy sa Bogota, Colombia sa mga Pilipino na manatiling alerto kasunod ng malakas na magnitude 7.4 na lindol na tumama nitong Lunes, Agosto 10, na ikinasawi na ng 111 katao.

Sa inilabas na advisory ng embahada, pinapayuhan ang lahat ng mga Pilipinong apektado ng pagyanig na manatiling ligtas at tukuyin ang ligtas na lugar na maaaring paglikasan.

Inaabisuhan din ang mga Pilipino sa Colombia na manatiling informed sa pamamagitan ng pgsubaybay sa mga balita at makinig sa mga paalala ng Colombian government.

Pinaalalahanan din ang mga Pilipino na panatilihin ang listahan ng emergency contacts sa pamamagitan ng pagsumite ng contact information tulad ng pangalan, address, mobile number, at email address sa embahada.

Sakaling mangailangan ng tulong at iba pang concerns, maaaring dumulog sa embahada.

Sa kasalukuyan, walang napaulat na nasawi o naapektuhang Pilipino kasunod ng malakas na pagyanig.

Patuloy namang nakasubaybay ang Embahada ng Pilipinas sa Bogota sa sitwasyon habang nagpapatuloy ang isinasagawang search and rescue operations sa mga pinaka-matinding tinamaan ng lindol kabilang na sa Choco, Cali at Pereira.

Bunsod naman ng matinding pinsala sa istruktura at dami ng nasawi sa lindol, nagdeklara na ang gobyerno ng Colombia ng national emergency.