-- Advertisements --

Iniulat ng Embahada ng Pilipinas sa Doha, Qatar na walang Pilipino ang nasaktan doon kasunod ng pag-atake ng Iran sa US air base sa Qatar nitong gabi ng Lunes, June 23.

Ito ay base na rin sa anunsiyo ng gobyerno ng Qatar na walang mga napaulat na nasawi o nasugatan sa pag-atake.

Tiniyak din aniya ng Qatari government ang pagtugon sa mga banta sa seguridad ng bansang Qatar at ng mga naninirahan sa naturang bansa.

Inabisuhan naman ng embahada ang mga Pilipino doon na imonitor ang mga balita hinggil sa pinakabagong development kasunod ng pag-atake at tumalima sa mga abiso ng mga awtoridad.

Pinayuhan din ang mga Pilipino na manatiling maalam, listo, mahinahon at handa.

Matatandaan, naglunsad ang Iran ng missile attack sa Al-Udied Air Base ng Amerika na nasa timog-kanluran ng Doha gabi ng Lunes bilang ganti sa pambobomba ng US sa nuclear sites ng Iran noong weekend.