-- Advertisements --

Hinimok ng Embahada ng Pilipinas ang gobyerno ng Amerika na huwag ipa-deport ang mga Pilipino sa ibang bansa.

Ginawa ni Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez ang panawagan sa kaniyang pagharap sa media mula sa Pilipinas at Japan sa gitna ng napaulat na ilan sa umano’y illegal immigrants ang dinala sa third country gaya ng El Salvador.

Iginiit din ng PH envoy na nilinaw ng gobyerno ng Pilipinas sa Amerika na hindi nito nais na mapa-deport sa third country ang mga Pilipino sa halip ay tatanggapin ang lahat ng mga posibleng ipapadeport na Pinoy pabalik ng Pilipinas.

Una ng inihayag ni Amb. Romualdez na ngayong taon aabot sa 100 hanggang 300 Pilipino na ang napa-deport sa iba’t ibang kadahilanan kabilang na ang umano’y pagkakasangkot sa krimen.

Sa kabila nito, ipinunto naman ng PH envoy na nirerespeto niya ang pinahigpit pang polisiya ng administrasyon ni US President Donald Trump.

Kaugnay nito, muling hinimok ng opisyal ang mga Pilipino na nasa Amerika na humingi ng tulong mula sa lehitimong immigration lawyer o mula sa embahada kung mayroong immigration issues.

Bukas aniya ang assistance desk sa mga tanggapan ng gobyerno ng Pilipinas na nakabase sa Amerika para sa mga Pilipino partikular na para sa migrant workers na nangangailangan ng legal assistance.