MANILA – Halos 470,000 na ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa pinakabagong case bulletin ng ahensya, nadagdagan ng 883 na mga bagong kaso ng sakit ang tally. Pero hindi pa raw kasali rito ang ulat ng 15 laboratoryo.
“15 labs were not able to submit their data to the COVID-19 Data Repository System (CDRS) on December 26, 2020.”
Umaabot na ang total confirmed cases sa 469,886.
Pinakamataas na bagong kaso ng coronavirus ang naitala sa Rizal na nasa 66. Sumunod ang Quezon City (50), Benguet (47), Davao City (42), at City of Manila (35).
Nabawasan ang total active cases o mga nagpapagaling pang pasyente matapos ang “time-based tagging” ng Oplan Recovery.
Mula sa halos 29,000 kahapon, nasa 22,099 na lang ngayon.
Malaking porsyento pa rin ng active cases ang mga “mild cases” na nasa 80.2%. Sumunod ang “asymptomatic cases” na nasa 9.9%, “critical cases” na nasa 6.2%, at “severe cases” na nasa 3.2%.
Ang mga moderate cases naman ay may katumbas na 0.43%.
Dahil din sa “time-based tagging” nadagdagan ng 7,635 ang total recoveries. Nasa 438,678 na ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa sakit ngayong araw.
Habang sumirit sa 9,109 ang total deaths, nang madagdagan ng 42 na bagong naitalang namatay.
“2 duplicates that were removed from the total case count. Of these, 2 recovered cases have been removed.”
“Moreover, 10 cases previously tagged as recovered were reclassified as deaths.”