Nabigo ang Pilipinas na makakuha ng puwesto bilang non-permanent member ng United Nations Security Council (UNSC) matapos manalo ang Kyrgyzstan sa botohan para sa kinatawan ng Asia-Pacific Group.
Sa isinagawang ikaapat na round ng botohan, nakakuha ang Kyrgyzstan ng 142 boto laban sa 49 ng Pilipinas, dahilan upang makamit nito ang kauna-unahang puwesto sa Security Council.
Kasabay nito, nahalal din bilang mga bagong non-permanent member ng UNSC ang Zimbabwe, Austria, Portugal, at Trinidad and Tobago.
Ang UNSC ay isa sa pinakamakapangyarihang sangay ng United Nations na may kapangyarihang maglabas ng mga resolusyon, kabilang ang pagpapataw ng economic sanctions, pagdedeploy ng peacekeeping forces, at pag-apruba ng military action.
Papalitan ng Zimbabwe ang Somalia, habang hahalili naman ang Trinidad and Tobago sa Panama. Papalitan ng Portugal at Austria ang Denmark at Greece, samantalang papalitan ng Kyrgyzstan ang Pakistan.
Mananatili naman bilang mga non-permanent member hanggang katapusan ng 2027 ang Bahrain, Colombia, Democratic Republic of the Congo, Latvia, at Liberia.
Ang limang permanenteng miyembro ng Security Council ay ang China, France, Russia, United Kingdom, at United States.
















