Naging matagumpay ang apat na araw na pagsasanay ng mga tropa mula sa Philippine Army (PA) at US Army Pacific nitong Biyernes, April 1, sa Fort Magsasay, Nueva Ecija.
Ayon kay Army spokesperson Col. Xerxes Trinidad, ang nasabing exercise ay kabilang sa ika-walong PA-USARPAC (United States Army Pacific) combined interoperability drills na bahagi ng spectrum ng military operations.
Nakatuon ito sa paghasa sa interoperability at kahandaan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa pagresponde kapag mayroong chemical, biological, radiological, nuclear (CBRN) threats.
Ang CBRN Battallion ng Philippine Army at USARPAC aniya ay nagsagawa ng mga lecture at practical exercises kung paano tugunan at rumisponde sa anumang CBRN attack scenarios.
Sinabi pa ni Trinidad, malaking bagay para sa kanila na makakakuha ng mga kaalaman lalo na sa pagresponde sa ganitong mga banta.