Limitadong bilang ng pasyente lamang ang tinatanggap ngayon sa Emergency Room ng Philippine General Hospital (PGH).
Ito ang ibinabang panukala ng PGH sa publiko matapos sumiklab ang apoy sa ilang ward ng ospital sa Ermita, Manila kahapon.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, itinaas ng naturang ospital ang “Code Triage” sa kanilang emergency room at tanging ang mga taong may mga malalang kondisyon sa buhay lamang ang pansamantalang tatanggapin sa ngayon.
Ito ay sa kadahilanang ang ilan sa kanilang mga pasyente ay kinailangang munang ilipat sa emergency room pansamantala dahil pa rin sa sunog.
Nilinaw naman ni Del Rosario na walang pasyente at tauhan sa PGH ang nasaktan dahil sa sunog at tanging mga muwebles, kanilang mga papeles, at lumang mga lamesang nakaimbak lamang ang naapektuhan.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon patungkol sa sanhi ng sunog, gayundin ang tinatayang gastos na kakailanganin upang ma-repair ang pinsala sa naturang ospital.