-- Advertisements --
IMG 20200309 202532

Pormal nang iniakyat ng mga senador sa Supreme Court (SC) ang isyu ng kanselasyon sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Dakong ala-1:30 kaninang hapon nang ihain ng abogado ng Office of the Senate President ang naturang petisyon o ang “petition for declaratory relief and mandamus.”

Si Senator Sotto ang isa sa mga petitioner habang si Senate Minority Leader Franklin Drilon ang tatayong abogado.

Respondents sa petisyon sina Executive Sec. Salvador Medialdea at Foreign Affairs Sec. Teddy Boy Locsin Jr.

Ang petisyon ng mga senador ay layong humingi ng clarification o paglilinaw mula sa Korte Suprema kung dapat bang may concurrence ng mataas na kapulungan sa abrogation o pagbasura sa treaties o kasunduan ng Pilipinas sa ibang mga bansa, gaya sa Estados Unidos.

Kalakip nito ang Senate Resolution No. 337, na nauna nang inaprubahan sa Senado, na humihimok sa Korte Suprema na i-define o linawin ang otoridad ng mataas na kapulungan sa paglusaw sa international agreements.

Bukas, may En Banc session ang Korte Suprema pero wala pang katiyakan kung makakasama ang petisyon ng mga senador sa agenda.

Matatandaang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang termination sa VFA makaraang bawiin ng Amerika ang US Visa ni Senador Ronaldo Bato del Rosa.