-- Advertisements --
Neri Colmenares

Magsisilbi umanong gabay para sa paghahanda ng Department of Justice (DoJ) sa implementing rules and regulation (IRR) ang magiging desisyon ng Supreme Court (SC) sa mga petisyon na kumukuwestiyon sa ligalidad at ilang probisyon ng Anti Terror Act of 2020.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, welcome sa DoJ ang paghahain ng ilang grupo ng petisyon sa Korte Suprema para kwestiyunin ang kontrobersiyal na kapipirmang batas.

Sinabi ni Guevarra na ang SC ang final arbiter sa lahat ng constitutional issues laban sa naturang batas.

Maalalang ngayong araw, apat na grupo ang nag-unahang maghain ng kanilang petisyong tumututol sa Anti Terror Act.

Unang dumating para personal na maghain ng kanilang petisyon ang grupo ng mga abogado na pinangungunahan ni Atty. Howard Calleja at Bro Armin Luistro mula sa De La Salle Brothers.

Noong Sabado nang maghain ang grupo ng petisyon sa pamamagitan ng electronic filing at na-acknowledge na raw ito.

Base sa Petition for Certiorari and Prohibition na inihain ng grupo ng mga abogado, humihirit sila sa Korte Suprema na magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) at Writ of Preliminary Injunction upang mapigilan ang nakatakdang pagpapatupad ng batas, sa July 19.

Humiling din ang petitioner na ipawalang bisa ang hindi bababa sa 10 section ng Anti-Terrorism Act. 

Paliwanag nila, mayroong probisyon na taliwas at magiging paglabag sa karapantang-pantao sa ilalim 1987 Constitition.

Sumunod namang naghain ng petisyon ang grupo ni Rep. Edcel Lagman para kuwestiyonin ang ligalidad ng Anti-terror Act.

Naghain din ang kampo nito ng petition for certiorari ang prohibition at TRO para hindi muna ito ipatupad at i-nullify ang buong Anti Terror Act.

Pangatlong naghain ng petisyon si Far Eastern University (FEU) Law Dean Mel Sta. Maria kasama ang mga law professors.

Kinikuwestiyon ng mga ito ang Sec. 25 at 29 ng batas o ang warrantless arrest maging ang paglabag daw sa academic freedom.

Kani-kanina lamang ay naghain din ng petisyon ang Makabayan bloc na pinangunahan nina dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, Reps. Carlos Zarate at Antonio Tinio.