Inihain sa Korte Suprema ang isang petisyon na naglalayong ideklarang labag sa konstitusyon ang mandatory SIM (subscriber identity module) card registration act.
Ang mga petitioner kabilang ang National Union of Journalists of the Philippines ay humihiling ng pansamantalang restraining order para itigil ang pagpapatupad ng batas.
Nais din ng grupo na atasan ng kataas-taasamg hukuman ang telecommunication companies (telcos) na ihinto ang paggamit ng impormasyong naka-store sa rehistradong SIM card at burahin ang mga datos na nakalap.
Iginigiit ng organisasyon na nilalabag ng naturang batas ang freedom of speech.
Binigyang-diin din ng mga petitioner na ang batas ay lumalabag sa privacy ng Sim users sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga awtoridad sa pag-access sa nakarehistrong SIM card hindi sa pamamagitan ng mga warrant na ibinigay ng korte ngunit sa bisa ng isang simpleng subpoena lamang.
Mas masahol pa ayon sa grupo na pinapayagan ng batas ang mga awtoridad na kunin ang pagkakakilanlan ng sinumang rehistradong Pilipino gamit ang kanilang mga spoofed SIM card at maharang ang lahat ng komunikasyon at data.
Kabilang ang lahat ng account na umaasa sa mga OTP (One Time Password), lahat ng komunikasyon sa pamamagitan ng mga cellular network; lahat ng pag-uusap sa pagitan ng mag-asawa, abogado at kliyente, doktor at pasyente, pari at penitents mamamahayag at source nito.
Matatandaan na noong Abril 16, sinabi ng Department of Information and Communications Technology na higit sa 71 milyon o 42.82% ng mga gumagamit ng SIM ang nakarehistro na.