Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon na inihain ni dating Department of Foreing Affairs (DFA) Sec. Perfecto Yasay at apat na iba na sinampahan ng kaso ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) dahil sa paglabag sa banking law.
Sa tatlong pahinang desisyon ng CA 9th Division idinismiss ang Petition for Certiorari na inihain nina Yasay, Maxy Abad, Francisco Rivera, Teodoro Arcenas at Albert Aguirre.
Hindi kinatigan ng CA ang hirit ng mga petitioners na bawiin ang warrant of arrest at isinampang kaso na inisyu ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 10 dahil premature pa para makialam ang korte dito dahil nakabinbin pa ang kaso.
Ang desisyon ay pirmado ni Associate Justice Apolinario Bruselas Jr at sinang-ayunan at nina Associate Justice Myra Garcia-Hernandez at Geraldine Macaraig.
Kung maalala, naglabas ng warrant of arrest si Manila RTC Branch 10 Danilo Leyva noong Marso 8, 2019 na may kaugnayan sa mga kasong paglabag sa RA 8791 na mas kilalang General Banking Law at RA 7653 o ang New Central Bank Act.
Sa naturang reklamo, inakusahan si Yasay ng pakikipagsabwatan umano sa apat pang opisyal ng nagsarang Banco Filipino para makapangutang ang Tierrasud Inc. ng halagang P350 million.
Mariin naman itong itinanggi ni Yasay dahil nangyari umano ang mga transaksiyon noong mga panahon na hindi pa siya opisyal ng bangko dahil 2009 lang siya pumasok dito.