-- Advertisements --

NAGA CITY – Posibleng ang kinikimkim na galit ng suspek ang nagtulak sa kanya para patayin ang dalawang pulis sa Naga City.

Nauna nang nakilala ang mga biktima na sina PCMSGT Romeo Padua ng Police Station 1, at PCpl Christian Juarez Del Valle ng Police Station 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMS Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nito na dati nang labas-pasok sa piitan ang suspek dahil sa iba’t-ibang kaso kabilang na ang pagnanakaw.

Taong 2016 nang nakasaksak ang suspek at nakulong sa Muntinlupa District Jail pero nakalaya makalipas ang halos dalawang taon dahil sa probation.

Kaya maaring hindi naman talaga target ng suspek sina Padua at Del Valle, pero dahil nakauniporma ang mga ito kaya niya binaril ang dalawang pulis.

Dagdag pa ni Bongon, maaring lulong sa droga ang suspek nang gawin ang nasabing krimen.

Mababatid na napatay din sa insidente ang suspek matapos na manlaban sa mga awtoridad.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.

Samantala, nagluluksa naman ang buong hepatura ng NCPO sa pagkasawi ng kabarong nasawi.