CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi pa man tuluyang naibababa ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes ang hatol sa hinawakan nitong kasong multiple murder laban sa mahigit 100 akusado, naghayag na ng paghanga ang National Union of Journalist of the Philippines (NUJP)-National Capital Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni NUJP-NCR chairman Nonoy Espina na mahirap ang katayuan ni Reyes dahil “high profile” ang kaso subalit nakayanan nito na matapos ang pagdinig sa lahat ng mga sangkot sa krimen.
Naipakita rin aniya ni Reyes ang pagiging patas nito sa kaso at mismong ang mga abogado sa magkabilang panig ang makakapagpatunay rito.
Dagdag ng opisyal, sasaksihan din nila ang promulgasyon ni Reyes sa kaso na itinuring ng grupo na malaking tagumpay na makamtan ang hustisya para sa mga pamilya ng 58 katao kung saan 32 rito ay mga sakop ng media sa Mindanao.
Kung maaalala, maging ang NUJP ay tumulong din mapaaral ang mga anak ng mga namatay na media sa pamamagitan nang paghahanap nila ng scholar sponsors simula nang nangyari ang masaker noong Nobyembre 23,2009.