KALIBO, Aklan—Nakatakdang umuwi ngayong araw sa lalawigan ng Aklan ang Pencak Silat gold medalist na si Mary Francine Padios.
Ayon sa inang si Mrs. Doneza Padios, natapos na aniya ang kaliwa’t kanang interview’s ng local at national media entities kay Francine sa Metro Manila kaya’t matutuloy na rin ang kaniyang pag-uwi ngayong araw.
Mula nang nakabalik ang atleta sa bansa galing sa Hanoi, Vietnam kung saan ginanap ang 31st Southeast Asian Games ay makailang ulit na nakansela ang pag-uwi nito sa Aklan dahil sa kaniyang hectic na schedule.
Dagdag pa ni ginang Padios na nasasabik na silang makita ang anak na nakabulsa ng tagumpay matapos na unang nakasungkit ng gintong medalya para sa Pilipinas sa larong Pencak Silat.
Unang bibisitahin ni Francine sa kaniyang paglapag sa lalawigan ang nagpapagaling nitong ama upang maipakita ang gintong medalya na bunga ng kaniyang sakripisyo at sipag sa pag-ensayo.