Malabong magkaroon ng panibagong peace talks sa ngayon sa pagitan ng gobyerno at komunistang teroristang grupo sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na labanan ng mga rebelde at tropa ng militar sa iba’t-ibang bahagi ng ating bansa.
Batay sa naging pag-aaral ng Armed Conflict Location and Event Data Project na isang US-based conflict research and analysis group, ang walang tigil sa sigalot sa pagitan ng mga komunistang rebelde at puwersa ng mga militar ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit malayong magkaroon muli ng peace talks sa bansa.
Anila, dahil dito ay magiging unang pangulo ng Pilipinas si President Marcos Jr. na hindi nagsagawa ng peace negotitations sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.
Mas prayoridad daw kasi ni Pang. Marcos Jr. ang pagsusulong ng “localized peace talks” sa mga rebeldeng komunista sa mga lugar sa bansa sa halip na dalhin ang mga hakbangin na ito sa pamunuan ng CPP-NPA-NDF.
Samantala kung maaalala, noong 2017 ay idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pinakamalaking communist organization sa bansa bilang isang teroristang grupo tulad ng Communist Party of the Philippines (CPP) at sub-group nito na New People’s Army (NPA) pati na rin ang National Democratic Front (NDF).
Habang noong Marso 2023 ay sinabi ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) na ipagpapatuloy ng gobyerno ang desisyon ng nakaraang administrasyon na wakasan national peace talks sa mga pinuno ng mga komunistang organisasyon.