KALIBO, Aklan —- Isinailalim na sa red alert status ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)-Aklan.
Ito ay kasunod ng mga nangyaring pagbaha sa maraming bayan ng Aklan dahil sa malakas at walang tigil na ulan dala ng pananalasa ng bagyong Paeng.
Ilang bahay na ang inanud ng baha mula sa bayan ng Madalag at Libacao.
Ayon sa PDRRMO, 24-oras silang magbabantay kasama ang kaukulang ahensya ng gobyerno katulad ng PCG, DOH, DPWH, DSWD at iba pa na tututok sa mga apektado ng bagyo.
Maya’t-maya rin na naririnig ang tunog ng sirena sa bayan ng Kalibo hudyat na patuloy ang pagtaas ng tubig sa ilog, kaya’t ang mga tao ay dapat nang maghanda sa paglikas.
Sa ibang bayan, nagpapatuloy na ang ginagawang pag-evacuate sa mga residente matapos na malubog sa tubi-baha ang kanilang mga bahay.
Nakapagtala rin ng landslides sa mga bayan ng Libacao at Nabas.
Sa kabilang daku, umaga pa lamang kanina ay nagpalabas na ng pagsuspinde ng klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan gayundin ang trabaho sa halos lahat ng lokal na pamahalaan sa Aklan.
Samantala, pansamantalang ipinatigil ng Philippine Coast Guard (PCG-Aklan) ang lahat ng uri ng water at sea sports activities sa Isla ng Boracay para sa kaligtasan ng mga turista.
Sa kabila nito, nananatiling normal ang biyahe ng mga motorbanca papasok at palabas ng isla.