Nanindigan si PDP-Laban spokesperson at Deputy Speaker Johnny Pimentel na walang mga hakbang na inoorganisa para patalsikin si Speaker Alan Peter Cayetano sa puwesto nito sa Kamara.
Sa isang panayam, iginiit ni Pimentel na “baseless and unfounded” ang sinasabing coup d’etat laban sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“In fact, we already released a statement that we do not have any knowledge of this supposed ouster plan or coup d’etat and we will not participate if ever there is a plan,” saad ni Pimentel sa isang panayam.
Nauna nang pinagbintangan ni Cayetano si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na siyang nasa likod umano ng naturang ouster plot.
Ayon kay Cayetano, inaalok daw sa ngayon ni Velasco ang nasa 20 kongresista ng puwesto sa Kamara at budgetary allocations para sa kanikanilang mga distrito.
Sinabi ni Cayetano na mismong ang 20 kongresista na ito ang siyang nagsumbong sa kanya hinggil sa sinasabing ouster plot laban sa kanya.
Base sa kanilang term-sharing agreement, si Velasco ng PDP-Laban ang siyang papalit kay Cayetano sa speakership post pagsapit ng buwan ng Oktubre.
Ayon kau Pimentel, walang katuturan na pagplanuhan pa ni Velasco ang ibinibintang na coup d’etat gayong pitong buwan na lang ay bababa na rin naman sa speakership post si Cayetano alinsunod na rin sa kanilang kasunduan.