LEGAZPI CITY – Pinasinungalingan ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Bicol ang kumakalat na balita sa social media na pinabayaan ang walong Persons Deprived of Liberty (PDL) na namatay sa Sorsogon City District Jail.

Sa lumabas na balita, namatay ang mga nasabing PDLs sa malnutrisyon, bagay na kinontra naman ng BJMP.

-- Advertisement --

Paglilinaw ni BJMP Bicol Health Services Division chief Dr. Jaime Claveria Jr. sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dalawa sa mga nasabing PDL ang namatay dahil sa “malnutrition secondary to chronic disease” habang ang iba ay dati nang may sakit base sa medical certificate ng mga ito.

Direktang itinanggi ni Claveria na kinukulang ang mga PDLs sa pag-aasikaso lalo na at merong P70 na meal ang mga ito kada araw.

Imbes na kinukulang, karamihan pa aniya sa mga PDL ang tumataba sa pangangalaga ng BJMP lalo na at sinusukat din ang Body Mass Index (BMI) ng mga ito.

Dagdag pa ni Claveria na ang lumabas na impormasyon ay kinulang sa iba pang detalye at ang usaping “malnutrisyon” lang ang binigyang-diin.

Kung sa hanay namang ng pangkalusugan, inaasikaso naman aniya ang mga PDLs sa health facility.