Dumulog sa Department of Justice si Acting Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez upang isumbong ang nasa likod ng nagpapakalat ng maling impormasyon online.
Sa pagdating ng naturang opisyal sa kagawaran ngayong araw, kanyang inireklamo ang isang social media page dahil sa mga gawa-gawa umano nitong istorya.
Partikular na kanyang pinaiimbestigahan ang ‘Malasakit News Pilipinas’ para matukoy ang mga ‘administrators’ o nasa likod ng gawain.
Naniniwala ang naturang opisyal na layon lamang ng mga ito na magdulot ng ‘panic’ at pagkalito sa publiko na siyang posibleng makaapekto sa kaayusan at seguridad ng bawat isa.
Alinsunod aniya ang ginawang aksyon ng opisina sa inisyung babala lalo na sa mga nagpapakalat ng ‘fake news’ na kanila itong papanagutin sa batas.
Aniya’y tatlong ‘fake news’ posts ang nais mapaimbestigahan para matukoy ang nasa likod at madala sa kaukulang korte upang magpaliwanag.
Una’y patungkol sa ‘energy lockdown’ may intensyon na himukin at ma-scam ang publiko na bumili ng solar panels.
Pangalawa’y fuel shortage at panghuli’y ’emergeny lockdown’.
Ang lahat ng nabanggit ay itinuring lamang na fake news at pawang kasinungalingan kung kaya’t hiling mapanagot ang mga nasa likod nito.
Binigyang diin din niya na kanilang hindi palalagpasin ang mga kumakalat na ‘fake news’ o mapanirang impormasyon laban sa first family o pamilya ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Babala niya’y kakasuhan ang sinuman pasimuno at nasa likod ng pagpapakalat ng ganitong uri ng impormasyon kontra sa unang pamilya.















