
Umapela na ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa whole of nation approach para sa matugunan ang malawakang oil spill sa Oriental Mindoro na patuloy na banta sa kabuhayan ng libu-libong mangingisda at kalusugan ng mga residente.
Bunsod ng limitadong resources, sinabi ni PCG Admiral Artemio Manalo Abu na kanilang tinutugunan ang naturang isyu sa pamamagitan ng pag-disperse at pagrekober sa langis sa karagatan, protektahan ang shoreline at clean up kapag umabot ang langis sa may baybayin.
Sa ngayon, hindi pa masabi aniya kung matatapos sa isang buwang timeline ang pag-contain sa oil spill subalit mas maganda aniya kung makukumpleto ang operasyon ng mas maaga.
Nakatakda ring gumamit ang PCG ng 6,000 litro ng oil dispersant.
Nagsagawa na rin ang Coast Guard ng coordination meeting kasama ang ilang foreign embassies noong nakalipas na Marso 6 kabilang ang Japan at US na bukas na magbigay ng assistance.
Inabisuhan ng PCG ang mga mamamayan na makipag ugnayan sa local head offices ng ahensiya para sa mga nais na tumulong.










