Makikibahagi rin ang Philippine Coast Guard sa pagpapatupad ng seguridad at kaayusan para sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Oktubre 30, 2023.
Ito ang ipinahayag ni Coast Guard District Southern Tagalog Commander, CG Commodore Geronimo Tuvilla, kay Police Region Office Region IV-A Director, Police Brigadier General Carlito Gaces, sa kanyang courtesy visit sa Camp Vicente Lim kahapon, Hulyo 4, 2023.
Ayon kay CG Commodore Tuvilla, idedeklara ang “heightened alert” ilang araw bago at pagkatapos ng BSKE upang masiguro ang ligtas, mabilis, at maayos na daloy ng mga pasahero at sasakyang pandagat sa mga pantalan sa Southern Tagalog, kabilang ang Batangas Port.
Magdadagdag din aniya ang PCG ng mga idedeploy na K9 units para sa mas mahigpit na pag-iinspeksyon sa mga polling precincts at vote counting centers.
Samantala, kaugnay nito ay pinasalamatan naman ni Police Brigadier General Gaces ang PCG sa suporta nito sa pagtataguyod ng kaligtasan at seguridad ng publiko, lalo na sa paparating na lokal na halalan.