Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) na wala pang scientific study o ebidensiya na magpapatunay na gumagamit nga ng cyanide ang ilang banyagang mangingisda para sirain ang Bajo de Masinloc.
Kayat hindi pa aniya nila makumpirma ang naturang ulat kaugnay sa cyanide fishing sa naturang bahura.
Sa panig naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), una ng sinabi ni BFAR spokesperson Nazario Briguera na nakatanggap sila ng reports mula sa kanilang ground personnel na ipinaabot ng mga Pilipinong mangingisda na namamalaot sa lugar na nakita nila ang pinsala sa bahura na bunga umano ng paggamit ng cyanide ng ilang banyagang mangingisdang Tsino at Vietnamese.
Kaya naman bilang tugon, hiniling ng BFAR na magsagawa ng regular na pagpapatrolya sa lugar para maberipika ang naturang alegasyon ng mga lokal na mangingisda.
Sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng katunayan o ebidensya na ginagawa nga ito ng mangingisdang Chinese at iba pang banyagang mangingisda.
Samantala, sinabi ng PCG na patuloy itong magsasagawa ng rotational deployment sa lugar kasama ang BFAR para mapanatili ang ating presensiya at upang matiyak ang seguridad ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar. (With reports from Bombo Everly Rico)