Hinimok ni House Deputy Minority at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang Duterte administration na gawing escort ng mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS) ang kawani ng coast guard ng bansa.
Mahalaga aniya kaysa momentary drills ng Philippine Coast Guard ay ang pag-escort ng mga ito sa mga mangingisdang Pilipino sa Bajo de Masinloc pati na rin sa iba pang mga lugar kung saan mayroong valid claims ang Pilipinas.
Dapat na ipakita ng Pilipinas sa China na seryoso ang mga Pilipino sa pagdipensa hindi lamang sa mga mamamayan kundi maging sa mga teritoryo nito, ayon kay Zarate.
Mahalagang sa lahat ng oras ay iginigiit aniya ng mga opisyal ng pamahalaan ang indipendence ng Pilipinas, sa halip na tumayo bilang apologists ng China.
Sa ngayon kasi ang China ay parang itinutulak-tulak lang ang Duterte administration sa pamamagitan nang ginagawa nila sa Bajo de Masinloc at sa iba pang mga teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
Hindi naman aniya kailangan na humantong sa giyera kontra China pero sana man lang ay tumayo rin si Pangulong Rodrigo Duterte para protektahan ang mga mangingisdang Pilipino at mga teritoryo ng Pilipinas.










