Hinihimok ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga mamamayang Pilipino na magkaisa sa gitna ng pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal.
Ito’y matapos na ang mga sasakyang pandagat ng China Coast Guard (CCG) ay nagpakita ng mga mapanganib na maniobra at iligal na paggamit ng mga water cannons laban sa mga sasakyang pandagat ng PCG na nag-escort sa mga bangka ng Pilipinas.
Kung matatandaan, binugahan ng water cannon ang sasakyang pandagat ng ating bansa na magsasagawa sana ng resupply mission para sa mga tropang militar sa Ayungin shoal.
Ayon kay PCG Commodore Jay Tariela, dahil sa kasalukuyang mga pag-unlad ng aktibidad sa West Philippine Sea, mahalagang ipakita ang katapatan sa ating bansa.
Aniya, bagama’t kinikilala nito ang freedom of speech bilang isang mahalagang karapatan na ginagarantiyahan ng konstitusyon, hindi aniya ito dapat gamitin sa maling paraan bilang isang paraan upang bigyang-katwiran ang mga pagkilos na hindi makabayan.
Giit ni Tarriela, sama-sama dapat na magkaisa ang mamamayang Pilipino sa pagprotekta sa interes ng bansa at pagtataguyod ng mapayapang resolusyon sa mga issue.