
CAUAYAN CITY – Tiwala ang Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 2 na wala sa kanyang mga opisyal ang sangkot sa illegal na droga.
Inihayag ni PBGen. Percival Rumbaoa, Acting Regional Director ng PRO2 na ang kanilang courtesy resignation ay hindi nagdulot ng low morale sa kanilang hanay dahil sa kabila ng kanilang inihaing resignation ay patuloy pa rin nilang gagampanan ang kanilang tungkulin.
Matapos maghain ng courtesy resignation ang mga Police Colonel at General ay magkakaroon ng evaluation ang 5-man evaluation committee at kapag napatunayang hindi sangkot sa illegal na droga ay walang dahilan ang isang opisyal para magretiro o mag-resign kundi ma-reinstate para maipagpatuloy ang kanilang tungkulin.
Hinikayat niya ang kanyang mga kapwa opisyal na ang courtesy resignation ay hindi sana magdudulot ng frustrations o low morale sa kanilang hanay at isipin na lang na hindi sila sangkot sa droga at gawin ang kanilang trabaho.
Naiintindihan din nila ang ginagawang drug cleansing sa kanilang hanay at tiwala siyang walang opisyal ng PRO 2 na sangkot sa illegal na droga.