-- Advertisements --

Nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na linisin ng Department of Social Welfare and Development ang listahan ng mga benepisyaryo sa mga target na social assistance program ng DSWD, kung saan ang mga hindi na kwalipikadong tumanggap ng cash grants mula sa gobyerno ay tatanggalin.

Sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na ilang benepisyaryo ang “nagtapos” na sa conditional cash transfer program (CCT) – na kilala sa tawag na Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps – partikular na ang mga anak na nakatapos ng pag-aaral ngunit tumanggi pa ring “isuko” ang kanilang mga account at patuloy na tumatanggap ng cash grants.

Binigyang-diin ni Tulfo na daan-daang libong Pilipino sa buong bansa na naghihintay na mapabilang sa 4Ps ang makikinabang sa planong linisin ang listahan ng cash transfer program.

Tinutukoy ng DSWD ang mga benepisyaryo ng 4Ps at iba pang social assistance programs sa pamamagitan ng National Household Targeting System nito para sa Poverty Reduction o Listahanan.

Upang maisakatuparan ang utos ni Marcos, sinabi ni Tulfo na “sa susunod na ilang linggo” ay maglalabas siya ng “amnesty” call para sa mga hindi kwalipikadong benepisyaryo ng 4Ps na isuko ang kanilang mga account sa DSWD sa loob ng 30 o 60 araw o mahaharap sa mga kaso.

Maliban dito, binalak din ng DSWD chief na magpatupad ng reward system kung saan mabibigyan ng reward ang isang informer kung maituturo niya kung sino sa kanilang mga komunidad ang dapat tanggalin sa listahan ng 4Ps.