Nagtalaga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang engineer sa environment department bilang general manager at CEO ng Philippine Reclamation Authority.
Inihayag ng Palasyo ang pagtatalaga kay Cesar Siador Jr., isang chemical engineer na dating namumuno sa regional office ng Environmental Management Bureau sa Cagayan Valley.
Kasama rin sa PRA board sina dating Quezon City 1st District Rep. Anthony Peter “Onyx” Crisologo at Alexander Lopez.
Ang Philippine Reclamation Authority, na dating Public Estates Authority, ay kinokontrol at sinusubaybayan ang pagpapatupad ng mga reclamation projects sa Pilipinas.
Matatandaan na noong Agosto ay inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsususpinde ng lahat maliban sa isa sa mga proyekto ng reclamation sa Manila Bay, na umaabot mula Bataan sa hilaga hanggang Cavite sa timog.
Kalaunan ay nilinaw ng Department of Environment and Natural Resources na ang lahat ng 22 reclamation projects sa Manila Bay ay nasuspinde habang ang kanilang environmental at social impacts ay sumasailalim pa sa assessment.
Ang mga reclamation projects kasi ay nangangailangan ng mga pagsusuri sa epekto nito sa kapaligiran at isang Compliance Certificate mula sa DENR bago magsimula ang trabaho sa mga naturang proyekto.