Nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Oriental Mindoro na apektado ng oil spill.
Namahagi din ang Pangulo ng relief assistance sa mga apektadong residente doon ng 17 fishing boats, post-harvest technology packages, at ilang agricultural equipment.
Sinabi pa ng Punong ehekutibo sa kaniyang talumpati kasabay ng pamamahagi ng iba’t ibang tulong sa mga residenteng apektado sa Pola sa Oriental Mindoro, na nagbunga ng magandang resulta ang isinasagawang oil spill response efforts sa Oriental Mindoro dahil sa pagtutulungan ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno katuwang ang international community simula ng lumubog ang oil tanker na nagresulta ng malawakang oil spill.
Tiniyak din ng Pangulo sa Gobernador ng lalawigan na kaniya ng inatasan ang mga kalihim ng kanyang Gabinete na paspasan ang clean-up efforts dahil sa banta ng pagkalat ng tumagas na langis sa shoreline.
Pinasalamatan din ni Pangulong Marcos ang international community kabilang ang Japan at Amerika para sa kanilang tulong sa pamahalaan upang matugunan ang epekto ng oil spill.
Sa panig naman ng DSWD, nasa 1,000 pamilyang nawalan ng kabuhayan ang nabigyan ng family food packs at tulong pinansyal sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation.