Nagbigay na ng go-signal si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagsasagawa ng oil at gas exploration at drilling activities sa bansa kabilang na sa may West Philippine Sea.
Ito ang ipinarating ni Energy Secretary Raphael Lotilla nang tanungin ni House deputy minority leader France Castro sa Congressional budget briefing kung ipagpapatuloy pa ng Pilipinas ang oil at gas drilling sa WPS sa kabila sa kabila ng umiigting na agresibong aksiyon ng China sa pinagtatalunang karagatan.
Pagpapaliwanag pa ni Sec. Lotilla na ang go signal mula kay PBBM sa kaniyang ikalawang SONA ay itutuloy ang exploration sa ibang mga lugar sa bansa at kabilang dito ang nasa loob ng territorial waters, contiguous zones at exclusive economic zone ng PH.
Aniya, nakadepende aniya ang timing sa pagsasagawa ng oil at gas exploration sa mga ulat na isusumite ng petroleum service contractors kabilang ang mula sa state-owned Philippine National Oil Company-Exploration Corporation.
Saklaw sa Service Contract 72 na nauna ng inisyu ng DOE ang Recto Bank o mas kilala bilang Reed Bank ay isa sa pinakamalaking gas exploration prospect.
Hanggang sa kasalukuyan, nakatengga ang pamahalaan sa “indecision phase” kaugnay sa moratorium na ipinataw sa service contractor ng Recto Bank na PXP energy corporation dahil sa hindi pa nareresolbang territorial claims sa China.
Kung maaalala, nakapagkontrata na at nagdeploy ng shipping vessels ang naturang service contractor para sa targeted extended seismic survey para sa planong drilling ng dalawang wells subalit bilang pinahinto ang mga aktibidad nito noong Abril ng nakalipas na taon ng Duterte administration dahil sa diplomatic tension sa China.
Sa ngayon wala pang malinaw na indikasyon kung kailan maaalis ang exploration moratorium sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.