Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Sabado, Abril 18 ang mas malaking rollback o bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon sa Pangulo, bababa ang diesel ng P24.94 kada litro, gasolina ng P3.41, at kerosene ng P2.00. Mas mataas ang pagbabang ito kaysa sa nakaraang rollback at inaasahang magbibigay ginhawa sa publiko.
Iginiit din ng Presidente na dapat maramdaman ng bawat Pilipino ang bawat sentimong ibinababa at maiwasan ang abala sa pagpila.
Kaugnay nito, nanawagan ang Pangulo sa oil companies na ipatupad nang buo at walang pagkaantala ang rollback sa presyo ng langis, kasabay ng inaasahang malaking bawas sa susunod na linggo.
Gayundin, hinimok ng punong ehekutibo ang publiko na isumbong sa kaniyang tanggapan at sa Department of Energy ang mga lalabag sa umiiral na oil price at kanila itong aaksyunan.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy na posible ang panibagong rollback.
Asahan naman na iaanunsiyo ang opisyal na price adjustments sa araw ng Lunes at ipatutupad sa Martes.
Samantala, inihayag din ng Pangulo na pinalawig pa ng tatlong buwan ng Land Transportation Office ang bisa ng mga lisensya at rehistro na magpapaso ngayong Abril, nang walang multa, dahil sa krisis sa Gitnang Silangan.
















