-- Advertisements --

Hinimok ngayon ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang Siquijor Island Power Cooperative (SIPCOR) na tuparin ang pangako nito na tugunan ang matinding power crisis sa isla.

Nitong Miyerkules, Hunyo 11, personal na nagtungo si Pangulong Marcos sa isla kasunod na rin ng deklarasyon ng state of calamity dahil pa sa matagal at pauli-ulit na pagkawala ng kuryente.

Lubha pang naapektuhan nito ang mga residente, lokal na negosyo, at industriya ng turismo sa Siquijor.

Sa kanyang pagbisita, pinuntahan ni Pangulong Marcos ang power station ng SIPCOR at nakipag-usap sa mga lokal na opisyal at mga stakeholder sa power sector.

Bilang short-term solution, magpapadala ang gobyerno ng dalawang malalaking generator set mula sa Palawan upang pansamantalang patatagin ang suplay ng kuryente sa isla.

Para sa pangmatagalang solusyon, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng system coordination, proper maintenance at fuel supply.

Sakali naman umanong mabigo ang SIPCOR na tugunan ang responsibilidad nito, ipinunto ni Pangulong Marcos na ang kooperatiba ay nagbabayad sa tamang oras, at ang problema ay nasa provider.

Pagtitiyak pa nito sa mga Siquijodnon na nagtatrabaho nang maayos ang gobyerno upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa krisis sa kuryente sa lalawigan.