-- Advertisements --
deped antipolo city

Inihahanda na ngayon ng Philippine National Police ang patung-patong na kasong isasampa nito laban sa gurong nanampal ng isang grade 5 pupil sa Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City.

Ito ay matapos na magresulta sa pagkasawi ng biktima ang naturang insidente.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Police Executive Master Sergeant Divina Rafael ang hepe ng Womens and Children Section Desk ng Antipolo City Police Station, sa ngayon ay isinasaayos na nila ang direct filing sa pagsasampa ng kaso laban sa gurong si Marisol Sison.

Batay kasi sa inisyal na imbestigasyong ginawa ng kapulisan, nagawa raw masampal ng guro ang biktima dahil sa maingay at magulong mga estudyante nito.

Sa impormasyon pang nakalap ng mga otoridad, hinawakan daw nito sa buhok ang binatilyo atsaka sinampal na tumama naman sa bahagi ng kaniyang tenga.

Ilang araw matapos ang naturang insidente ay isinugod sa pagamutan ang biktima nang dahil sa iniindang labis na pananakit ng tenga, ulo, at mata.

Kalauna’y hindi na nakayanan ng katawan ng biktima at binawian ng buhay, ayon sa mga eksperto blood clot o pamumuo ng dugo sa kaniyang ulo ang nagmitya sa buhay ng buktimang si Francis Jay.

Samantala, ngayong araw ay nakatakdang isailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima habang kasalukuyan na ring pinaiimbestigahan ng Department of Education ang naturang pangyayari.