-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Kasama sa mga 60 million deactivated Subscriber’s Identity Module (SIM) card.

Ito ani John Benedict Dioquino, Project Development Officer ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region 1, ang kanilang nakikitang dahilan kung bakit patuloy pa rin ang pagdami ng mga natatanggap at naipapaulat na mga biktima ng mga text scams matapos ang Subscriber’s Identity Module (SIM) Registration.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na kasama ang mga scammers sa mga bilang ng mga SIM cards na nadeactivate matapos ang itinakdang registration period, kung saan ay kanilang patuloy na ginagamit ang kanilang numero upang makapangbiktima sa pamamagitan ng scam o telemarketing.

Aniya na hindi inaalis ng kanilang hanay sa posibilidad na ito, lalo na sa pagtukoy sa mga indibidwal na patuloy na ginagawa ang pangi-scam.

Saad nito na may ilan silang natatanggap na mga mensahe kung saan ay nagtataka ang ilan kung bakit marami pa ring mga scammers sa kabila ng katatapos na SIM Card Registration. Ang mga ulat na ito ay kanila namang idinudulog sa kanilang central office para maimbestigahan.

Dagdag ni Dioquino na bagamat kanilang ipinagtataka, ay inasahan naman umano nila ang pagdami ng mga scammers, kaya naman patuloy nila itong tinututukan upang masolusyunan ang sitwasyon.

Samantala, nilinaw naman nito na ang mga SIM cards na hindi naiparehistro ay totally deactivated, at kinakailangan nilang bumili ng panibagong SIM card na kanilang irerehistro at gagamitin.

Aniya na kung nais naman ng ilan na patuloy gamitin ang kanilang lumang number ay maaaring sumangguni ang mga ito sa kanilang service providers lalo na sa may mga accounts na naglalaman ng kanilang pera.

Kaugnay nito, nagpapatuloy naman ang iba’t ibang programa ng kanilang tanggapan gaya na lamang ng paglulunsad ng Free Wi-Fi for All na naglalayong mabigyan ng libreng internet connectivity ang mga mag-aaral at lahat ng staff ng mga pampublikong ospital.

Aniya na nakipagpulong na sila sa pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan kaugnay nito, habang patuloy naman na umiikot ang itinalaga nilang Free Wi-Fi for All Team sa lahat ng lalawigan sa Rehiyon Uno upang imonitor ang posibleng lugar na pagtatayuan ng kanilang proyekto.