-- Advertisements --
wirecard scandal

Patong-patong na kaso ngayon ang isasampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa dalawang Bureau of Immigration (BI) officers sa Department of Justice (DoJ) dahil na rin sa pagpalsipika sa travel records ng Austrian national na sangkot sa Wirecard fraud.

Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor ang Immigration Officers (IO) na sina Perry Michael Pancho, na nakadestino sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) at Marcus Nicodemus na naka-assign naman sa Ninoy Aquino International Airpot (NAIA) Terminal 1, Pasay City. 

Haharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Falsification of Public Documents by a Public Official sa ilalim ng Article 171 ng Revised Penal Code at paglabag sa RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) na may kaugnayan sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Sinabi ni Distor na noong June 25, 2020, nang lumabas ang mga balitang nakapasok sa bansa si Jan Marsalek noong June 23, 2020 para takasan ang mga otoridad sa Europe.

Si Marsalek ay sangkot sa nawawalang 1.9 billion Euros o katumbas ng $2.1 billion o mahigit P1.7 trillion

Dahil dito agad nagsagawa ng imbestigasyon ang operatiba ng NBI-International Airport Investigation Division (NBI-IAID).

Lumalabas sa imbestigasyon na pineke ang travel record ni Marsalek kabilang na ang kanyang arrival noong June 23 sa NAIA 1 na iprinoseso umano ng isang IO Darren Ilagan na mayroon misteryosong “cancelled by user” remark at departure na June 24, 2020 sa Mactan Cebu International Airport na iprinoseso naman ni IO Pancho.

Kaduda-duda umano ito dahil ang existing immigrations protocol noong ay hindi dapat payagang makapasok ang sino mang pasahero sa bansa dahil sa Coronavirus disease (COVID-19) situation.

Wala rin umanong actual scanned data page ng pasaporte ni Marsalek at si IO Ilagan ay wala sa official list ng mga IOs on duty para sa mga midflight schedule sa naturang petsa.

Pati ang departure ni Marsalek ay pineke rin umano base na rin sa CCTV footages sa MCIA noong Hulyo 24 na nagpapakitang unmanned ang BI counters dahil wala namang mga flights bago at pagkatapos ng sinasabing flights ng banyaga.

Wala rin umanong actual scanned data page ng pasaporte pero mayroong page ng unknown passport na may stamp ng Bureau of Quarantine; Certification na inisyu ng Philippine Airport Ground Staff (PAGS)/Cebu Station Flight Dispatcher na naka-indicate na ang flight nito ay kanselado noong February 1, 2020 dahil sa covid situation.

Imposible rin umanong nakabiyahe agad si Marsalek sa Cebu noong umaga ng June 24 matapos ang arrival sa Manila noong gabi ng June 23 dahil pa rin sa community quarantine.

Si IO Perry Michael Pancho ay wala rin umano sa official list ng IOs on duty sa umaga ng June 24, 2020 at pinaniniwalaang pumasok lamang ito para sa pamemeke ng mga dokumento.

Sinabi pa ng NBI na wala nang indikasyon na nasa bansa pa si Marsalek dahil sa confirmation na dumating ito sa bansa noong March 3, 2020 sa NAIA 3 via Qatar Airways at umalis noong March 5, 2020 sa pamamagitan din ng Qatar Airways.

Ang BI records ng June 23 at 24, 2020 ay pareho umanong pineke at lumalabas na diversionary para ilito ang attention ng mga otoridad sa Europe para ma-focus ang isyu sa Pilipinas at hindi sa kanilang huriksdiksiyon.

Nakarating sa bansa ang isyu ng Wirecard matapos umanong dumating sa bansa ang dating chief operating officer ng kumpanya na si Marsalek noong June 23 bago lumipad patungong China kinabukasan matapos pumutok ang isyu sa Wirecard.

Ang mga bangko naman sa Pilipinas kabilang ang Bank of the Philippine Islands (BPI) at BDO ay sinabing pineke ang mga dokumento kaugnay ng transaksiyon para magmukhang nasa kanila ang nawawalang pera.

Una nang sinabi na rin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang nawawalang pera na sinasabing idineposito sa dalawang bangko ay hindi nakapasok sa local financial system ng bansa.