-- Advertisements --

Isiniwalat ni PCOO Secretary Trixie Cruz- Angeles na maraming mga programa ang naghihintay ngayon para sa mga manggagawa sa media sa Pilipinas.

Ito ay sa kadahilanang gumagawa aniya ng mas malawak na patakaran ang susunod na administrasyong Marcos para sa mga manggagawa sa naturang industriya.

Ayon sa kalihim, sa kasalukuyan daw ay gumagawa sila ng mga posibleng bagong patakaran para sa dagdag na proteksyon at benepisyo ng mga mamamahayag sa bansa.

Balak din kasi aniya ng papasok na adminitrasyon na ipagpatuloy ang nasimulang Presidential Task Force on Media Security (PTFoM) ng Duterte administration, at gayundin ang paglulunsad ng iba pang mga programa para sa kapakanan ng mga ito.

Kasunod ito ng ginawang paghimok ng National Press Club (NPC) sa susunod na administrasyon sa pamamagitan ng inilabas na special resolution nito na nagsasabing panatilihin ang PTFoM na nagsilbing direct line ng mga mamamahayag sa Office of the President para sa agarang aksyon sa kanilang mga alalahanin.

Paliwanag niya, nakatuon lamang daw kasi sa mga pisikal na pag-atake sa mga journalist ang kasalukuyang polisiya sa bansa dahilan kung bakit gusto pa itong palawigin pa ng Marcos administration.

Magugunita na noong Oktubre 2016 nilikha ni outgoing President Rodrigo Duterte ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoM) sa pamamagitan ng kaniyang nilagdaang Administrative Order 1 upang pangalagaan at proteksyunan ang mga mamamahayag sa bansa laban sa mga banta ng karahasan na nagbigay naman sa kanila ng “safe environment” ayon kay PTFoM Executive Director, Undersecretary Joel Sy Egco.