-- Advertisements --

Bumuo na ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ng independent administrative committee na mangunguna sa imbestigasyon sa mga isyung ibinabato sa pole vaulter na si Ernest John (EJ) Obiena.

Sa isang statement, sinabi ng athletics body na bahagi raw ng gagampanang trabaho ng komite ay ang pag-imbestiga at paggawa ng report kaugnay ng “Memorandum to Explain” na ipinadala na sa Olympian noong November 15.

Una rito, nakatanggap daw ang PATAFA ng Apostilled Affidavit ng isang Mr. Sergey Bubka at written statement ni Mr. Vitaliy Petrov na hindi nito natanggapa ng kanyang buwanang coach fee sa taong 2018, 2019, 2020 at 2021.

Base sa record ng PATAFA, inilabas nila ang coach fees para kay Petrov kay Obiena noong May 2018 hanggang August 2021.

Ang iba raw dito ay personal na ibinigay kay Obiena habang ang iba ay idinaan sa otorisadong representative ni Obiena.

Sa ngayon, natanggap na raw ng PATAFA ang written explanation ng world number 6 sa pole vault bilang tugon sa memorandum na inilabas ng komite.