KORONADAL CITY – Tumanggi munang magkomento ang isa sa mga itinuturong pastor na kasapi ng World Philosophical Forum (WPF) na nasa ilalim umano ng UNESCO.
Ito’y matapos sinubukan ng Bombo Radyo na ma-contact si Pastor Jess Sumicad upang maipaliwanag ang kaniyang panig kaugnay sa sinasabing investment scam dito sa lungsod ng Koronadal.
Samantala, nagpaalala naman si Brgy Magsaysay Luz Bustillo sa kaniyang mga kababayan na mag-ingat sa paglitaw na naman ng panibagong scheme na ito.
Ibinunyag rin niya na nakumbinsi siya dahil dala umano ng mga ito ang tulong upang umahon sa kahirapan ang mga mamamayan at ang mga larawan nila kabilang sina Koronadal Mayor Eliordo Ogena at South Cotabato Governor Jun Tamayo, ngunit nalaman na lamang ang modus ng mga ito sa pamamagitan ng Bombo Radyo.
Matatandaang nagbabala si Mayor Ogena na sasampahan niya ng kaso ang naturang grupo dahil sa panghihingi ng P520 bilang kapalit ng ATM at may matatanggap na $200 o nasa P10,000.