-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Kanselado pa rin ang pasok sa mga paaralan sa tatlong bayan sa lalawigan ng Sultan Kudarat dahil sa pinsala na iniwan ng malawakang baha at landlside na iniwan ng pananalasa ni Bagyong Paeng.

Ito ang kinumpirma ni DepEd 12 Information Officer Rhea Joy Sevillano sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Sevillano, ang kanselasyon ng pasok sa mga bayan ng Kalamasig, Lebak at Palimbang ay ayon sa inilabas na Executive Order (EO) ni Governor Datu Pax Ali Mangudadatu.

Nakasaan sa EO ni Governor Mangudadatu, tatagal ang kanselasyon ng pasok sa nabanggit na mga bayan hanggang sa Nobyembre 6, 2022.

Ito ay upang bigyang daan ang pagsasaayos ng mga silid aralan sa walong (8) mga classrooms na sinira ng hanggang dibdib na tubig-baha.

Dagdag pa ni Sevillano, nagtutulungan sa ngayon ang DepEd, LGU-Sultan Kudarat at mga stake holders sa paglilinis at pagsasaayos ng mga paaralan upang magamit na ito ng mga estudyante.

Napag-alaman na sa bayan ng Kalamansig may 2 namatay dahil sa baha samantalang maraming pamilyang apektado naman ng baha sa Lebak at bayan ng Palimbang.

Ngunit maliban sa nabanggit na mga lugar, tuloy na tuloy naman ang full implementation ng Face to face classes sa ibat-ibang lugar sa buong Soccsksargen region.