Ngayon ang unang araw na papayagang muling pumasada ang 6,000 tradisyunal na jeepney matapos ang higit apat na buwang paghihintay ng mga ito na makabalik sa biyahe.
Mayroong 49 na ruta ang pinayagan na makadaan ang mga tinaguriang hari ng kalsada. Subalit, bago payagan ang mga ito na ay kinakailangan muna nilang siguraduhin na sinunod ng mga tsuper ang panuntunan na inilatag ng Land Transport Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Oobligahin ang mga pasahero na pumirma ng form sa mga jeep terminal para sa posibleng contact tracing. Bawat pasahero ay kakailanganin na rin magbayad ng pamasahe bago sumakay ng jeep. May mga foot bath din na nakalagay sa bawat jeep at kukuhanan ng body temperature ang mga pasahero.
Hindi rin papayagan ang mga ito na punuin ang kanilang mga jeep bilang pagpapatupad ng social distancing. Sa halip na 24 ang pasaherong isasakay ay 11 lamang ang papayagan.
Magpapatupad naman ngayong araw ang LTFRB ng road side inspection para siguraduhin na tanging mga rehistrado at roadworthy na jeep lamang ang makakapasada at walang makalulusot na colorum.
Required din ang mga operator na kumuha ng QR code na ipapaskil sa mga jeep para magamit sa mga gagawing random road side inspection ng ahensya. Tiniyak naman ng LTFRB na walang pagtataas ng pasahe sa jeep hangga’t hindi pinapayagan ng board.
Patuloy naman na nakakapasada ang mga jeep kahit walang nakapaskil na QR code matapos bumagsak ang website ng LTFRB kahapon kung saan kumukuha ng QR code ang mga tsuper at operators.
Sinabi ni LTFRB chairman Martin Delgra III na nagsagawa kahapon ng “migration” ang IT team ng ahensya na siyang nag-aasikaso sa website kaya hindi ma-access ang website para sa mga nagnanais kumuha ng QR code.
Nagbabala naman ang LTFRB na pagmumultahin ng 5,000 piso ang mga jeep na bibyahe kahit wala sa listahan na pinost sa kanilang Facebook page. Maging ang mga jeep na papasada sa susunod na linggo at walang QR code ay pagmumultahin din.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Flor Pascua, operator ng Jeep sa Lawton, Manila, nagpahayag ito ng pagkadismaya dahil hindi sila nabigyan ng ruta upang makapasada ang kanilang mga jeep.
Aniya, hindi raw nila kayang i-submit ang hinihinging requirements ng LTFRB dahil wala silang kita sa loob ng apat na buwan. Kwento pa nito para umano makatulong sa kaniyang mga jeepney drivers na lubhang naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa COVID-19 pandemic, naisipan nitong magbenta para makapagbigay ng kakaunting pera sa kaniyang mga tsuper.










