-- Advertisements --

Pinuri ng isang kongresista ang naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na maglabas ng form para sa mga nais na bumawi ng kanilang pirma sa petisyon kaugnay ng People’s Initiative (PI) na naglalayong amyendahan ang 1987 Constitution.

Hinimok naman ni 1-Rider Partylist Representative Rodge Gutierrez ang Senado na huwag ng guluhin ang inisyatiba kaugnay ng Peoples Initiative at iginiit na ito ay karapatang ipinagkaloob ng Konstitusyon sa mga Pilipino.

Sinabi ni Gutierrez na wala ring napatunayan ang Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation kaugnay ng bintang na nabayaran ang mga pumirma sa PI.

Dahil dito umapela ang Kongresista sa Senado na huwag ng makisawsaw sa proseso ng Peoples Initiative, dahil lumalabas sa isinagawa nilang imbestigasyon ay witch-hunting laban sa House of Representatives.

Sinabi ni Gutierrez na kapuri-puri ang ginawa ng Comelec na tuparin ang mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon at mga batas na nagpapakita umano ng malinaw na senyales ng demokrasya sa bansa.

Ayon kay Gutierrez ang desisyon ng Comelec na maglabas ng withdrawal form ay isang patunay na walang pilitan ang pagpirma sa PI.

Giit ni Gutierrez na ang Comelec ay may mandato para sa proseso ng People’s Initiative at hindi ang Senado maging ang House of Representatives.

Una ng inihayag ng Comelec na kanila ng inaprubahan sa pamamagitan ng isang memorandum para sa paglalabas ng withdrawal form para sa PI.