Nagpahayag ng pagkabahala ang Anakalusugan Party-list sa naging pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) hinggil sa pagmemerkado sa Pilipinas bilang manufacturing hub para sa mga e-cigarette at heated tobacco products (HTPs).
Ayon kay Anakalusugan Representative Ray Reyes na siya ay lubos na nababahala sa mga economic managers na tila binabalewala ang mga potensyal na panganib sa kalusugan ang paggamit ng mga e-cigarette at Heated Tobacco Products (HTPs) pabor sa pakinabang ng ekonomiya.
Sinabi ni Reyes na bagaman ang mga produktong ito ay karaniwang may tatak bilang isang mas ligtas na alternatibo sa mga sigarilyo, nagdudulot pa rin ito ng maraming panganib sa kalusugan.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos ipahayag ng isang undersecretary ng Department of Trade and Industry (DTI) ang potensyal ng Pilipinas na maging manufacturing hub para sa e-cigarettes at HTPs sa ginanap na International Tobacco Agriculture Summit.
Sinabi ni Reyes na ang mga pahayag na ito mula sa DTI ay taliwas sa layunin ng Republic Act 11900 (Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act) na naglalayong protektahan ang mga Pilipino mula sa mga potensyal na panganib ng mga produktong ito.
Pinaghinay-hinay din ng mambabatas ang mga economic managers na mag-ingat sa kanilang mga pahayag dahil ang mga ito ay maaaring mapagkakamalan bilang isang pag-endorso ng isang produkto na sila ay may mandato na i-regulate.
Sa ilalim ng Vaporized Nicotine at Non-Nicotine Products Regulation Act, inaatasan ang DTI na i-regulate ang mga vaporized nicotine at non-nicotine na mga produkto.
Ipinunto ni Rep. Reyes na dapat aniyang tutukan na lang ng DTI ang pagpigil at paghihigpit sa paggamit ng HTP at vape, lalo na sa mga kabataan.
Samantala, isinagawa kahapon ang biotech forum na pinangunahan ng House Special Committee on Food Security na layong pataasin ang productivity sa sektor ng agrikultura.
Sa panig ni Cong. Reyes kaniyang binigyang-diin ang kahalagahan ng collaborative research, capacity building, at streamlined regulatory practices kaugnay sa paggamit ng biotechnology.
-- Advertisements --