Nai-refer na sa Legal Affairs ng Office ng House of Representatives (HOR) ang parliamentary inquiry ni Agusan del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers para sa kaukulang pag-aaral at assessment.
Sa huling session ng Kamara nuong nakaraang linggo bago ito mag Holiday break isang manifestation ang ipinabot ni Barbers sa liderato ng Kamara na sa tingin ng mambabatas ay dapat mabigyang linaw ng sa gayon hindi na maulit pa ang kahalintulad na kaso.
Sinabi ni Barbers nais nilang maliwanagan at ng kanilang partido ang Nacionalista Party kung ano ngayon ang status ng kanilang kapartido na si Zamboanga del Norte Representative Romeo Jalosjos Jr. na tinanggal sa official list ng House of Representatives gayong naiproklama itong panalo ng Comelec at nag-assume sa kaniyang pwesto bilang mambabatas nuong June 30.
Tinanong ni Barbers kung anong kapangyarihan meron ang House Secretary General nuong 18th Congress at bakit nanatili pa rin ito sa pwesto kahit tapos na ang kaniyang termino nuong June 30,2022.
Ipinunto ni Barbers, sakali ang serbisyo ng Secretary General ay legal, anong kapangyarihan meron ito na maaari niyang ipatupad simula nuong petsa at hanggang sa maupo sa pwesto ang susunod na kongreso.
Dagdag pa na tanong ni Barbers kung mayruong kapangyarihan ba ang isang de facto Secretary General na mag delist ng miyembro ng House of Representatives matapos ang June 30.
Magugunita na ilang linggo matapos iproklama ng Commission on Elections (Comelec), pinahinto ng Korte Suprema (SC) si Romeo Jalosjos Jr. sa pag-upo bilang kinatawan ng unang distrito ng Zamboanga del Norte sa Kongreso, kung saan naglabas ito ng status quo ante order bilang tugon sa petisyon na inihain ng katunggali ni Jalosjos Jr na si Roberto “Pinpin” Uy Jr at Frederico Jalosjos.